Friday, January 6, 2012

PANANDALIANG LANGIT


Marahil isa ka sa mga kabataang tumatanggi sa mga kaibigang nagyayayang makipag-inuman. Malamang, isa ka rin sa iba na galit na galit kapag nabubugahan ng usok ng sigarilyo habang nakatayo't naghihintay ng masasakyan sa sidewalk ng kalsada. Kung mali man ang aking akala, aba, kabilang ka rin pala sa mga kabataang bumibisyo.


KAGAYA KO.




Yosi at alak -- ang mga ito ang karaniwang bisyo ng mga kabataan sa panahong ito. Sa mga ito madalas napupunta ang kalahati ng allowance mo sa eskwela. Imbes pangkain na lang, mas gugustuhin mong mabusog ka ng alak, o kaya naman mapuno ng usok ang iyong baga. Ngunit, bakit ka ba nahuhumaling sa bisyo? Bakit ba TAYO nahuhumaling dito?


BAKIT NGA BA?





Peer pressure.



Isa nga yan sa mga dahilan. Sino ba namang hindi mapipilitang uminom o manigarilyo kung lahat ng mga matatalik mong kaibigan ay gano'n ang ginagawa? Sino ba namang hindi susubok kung lahat sila ay kakantsawan ka sa oras na tumanggi ka sa alok nila? Nakaka-pressure nga naman, hindi ba? Pero isipin mo na lang…

Kung tunay silang mga kaibigan, bakit ka nila pipiliting gawin ang isang bagay na hindi na nga nakakabuti e, hindi mo pa gusto?



Stress reliever.

Papers, papers, papers. Quizzes, exams, final projects... OO, NAKAKABALIW TALAGA! Lalo na 'pag isang bagsakan silang binigay sa'yo. Ang bigat sa dibdib lalo na 'pag hindi mo alam kung ano ba ang dapat unahin sa kanila. NAKAKA-STRESS, ika nga. Kaya, anong maiisip mong gawin para naman gumaan kahit kaunti ang nararamdaman mo? Madalas, yun ang maiisip mo -- kung hindi bibili ng isang kaha ng Marlboro, magbubukas ka ng isang San Mig light in can (at pag nabitin ka, magbubukas ka pa, hanggang maka-tatlo o apat ka na nang hindi mo namamalayan).

Pero, yun lang ba ang iyong mga pagpipilian?



Your sweet escape.


Ito madalas ang dahilan kung bakit ka bumibisyo -- upang makalimutan o takasan ang problema. 'Pag bagsak ka sa isa o dalawa sa mga subjects mo sa school, 'pag binasted ka ng nililigawan mo, 'pag inulan ka ng sermon ng nanay mo, 'pag nag-break kayo ng ka-relasyon mo, at marami pang iba,  ang sinisigaw natin sa mga panahong 'yan -- "Tara, INOM TAYO." o kaya naman "TARA, YOSI!"
Oo, Gusto mong makalimot kahit sa panandaliang panahon lamang. Gusto mong gumaan ang napakabigat mong kalooban sa pamamagitan ng paglunod ng sarili mo sa alak. Bakit? Kasi yun na lang ang naiisip mong makakatulong sa iyong problema. Dahil sa inuman, kasama mo ang iyong mga kaibigan. Sa inuman mo nailalabas lahat ng sama ng loob mo ng walang pag-aalinlangan sapagkat isang daang porsyento ang lakas ng loob mo dahil sa impluwensya ng alak na tinutungga mo. Sa inuman, nababaling sa ibang mga tao o bagay ang atensyon mo. Sa inuman, nararamdaman mong nakatakas ka na sa problema.

Pero, nakatakas ka nga ba talaga?



The social weapon.

Hindi ka lang naman umiinom 'pag may problema. Malamang, umiinom ka rin kapag gusto mong magsaya o makihalubilo sa mga tao. Minsan, ang alak o ang yosi ang nagiging daan sa pagkakaroon mo ng bagong mga kaibigan. Sa mga inuman sessions mo minsan nakikilala ang mga taong nagiging malaking parte ng iyong buhay -- gaya ng mga kabarkada o kaya nama'y ang una mong kasintahan. Kaya naman masarap talaga pumunta sa mga kasiyahang ganito. Bukod sa ikaw ay nagdiriwang ng kaarawan o pagkapanalo, may mga tao ka pang nakakasama at doon mo nakikita ang tunay nilang mga kulay (lalo na 'pag nasa ilalim na sila ng impluwensiya ng alak).

Pero ito nga lang ba ang natatangi mong paraan para magsaya at makipagkaibigan?



Hindi ko sinasabi na masamang tao ka na kapag uminom ka ng alak o humithit ng sigarilyo. Katulad ng iba, isa rin ako sa mga kabataang umiinom hanggang malasing, at naninigarilyo hanggang ubuhin. Alam kong hindi ako ang nararapat na taong mangaral sa mga kabataang gaya ninyo na itigil ang mga ito, dahil tulad niyo, nais ko ring maranasan ang mga ito upang magliwaliw habang ako ay nasa nararapat na edad pa. Pero kung iisipin natin, kaninong pera ba ang nilulustay natin sa mga bisyong ito? Sino ba ang namamatay sa nerbyos ‘pag uuwi tayo ng lasing o maoospital tayo dahil sa walang tigil nating pag-ubo o pagsuka dahil sa kaka-inom o yosi natin? Sino ba ang nasasaktan ‘pag nakikita tayong maging isang pariwara habang unti-unting nasisisira ang mga matatayog na pangarap para sa atin?



TAYO BA?
Hindi ata.







Malamang, sina Nanay at Tatay. 

 Hindi ako isang ipokrito para sabihing itigil na ang mga bisyong yan. Oo, mahirap tanggalin ang mga yan sa isang iglap lamang. Kailangan inuunti-unti ang pagtanggal sa mga ‘yan dahil masama rin sa katawan ang mabigla kapag tinanggal ang mga bagay na iyong nakasanayan na.








DRINK and SMOKE
MODERATELY.

Yun na lang siguro ang pinaka tamang masasabi ko o maibibigay kong payo sa mga kabataang inaabuso ang mga katawan nila sa pagbibisyo. Tumatakbo ang oras at hindi na tayo bumabata pa. Marapat lang siguro na tayo ay maging responsable sa ating mga kilos dahil ito ay hindi lamang para sa ikabubuti ng ating sarili, ngunit pati na rin sa ating lipunan at kalikasan.

No comments:

Post a Comment